Sinabi ng Allah: “At sinuman ang gumagawa ng gawaing matuwid, lalaki man o babae, at siya ay naniniwala, sila yaong mga papapasukin sa Paraiso.” (Qur’an 4:124)
Isa sa pinakadakilang bagay na dahilan upang makamit ang kasiyahan, kagalakan at kaligayahan sa puso ng isang Muslim ay ang kanyang direktang koneksyon sa kanyang Panginoon nang walang tagapamagitan mula sa mga buhay, patay, o idolo. Tunay na binanggit ng Allah sa Kanyang Maluwalhating Aklat na Siya ay laging malapit sa Kanyang mga alipin, pinapakinggan sila at sinasagot ang kanilang mga panalangin, katulad ng sinabi ng Allah: “At kapag ang Aking mga alipin ay magtatanong sa iyo [O Muhammad] tungkol sa Akin, tunay na Ako ay malapit [sa kanila]. Tinutugon Ko ang mga panalangin ng bawat dumadalangin kapag siya ay nananalangin sa Akin [nang walang ibang tagapamagitan]. Kaya, hayaan silang tumugon sa Akin [sa pamamagitan ng pagsunod] at maniwala sa Akin, upang sakali sila ay [mapatnubayan] tumahak sa matuwid na landas.” (Qur’an 2:186)
Inutusan tayo ni Allah manalangin sa Kanya, at ginawa Niya ang bagay na ito na isa sa pinakadakilang gawain ng pagsamba kung saan ang isang Muslim ay lumalapit sa kanyang Panginoon, sinabi ng Allah: “At ang inyong Panginoon ay nagsabi: “Manalangin kayo sa akin at kayo ay Aking diringgin.” (Qur’ān 40:60)
Ang matuwid na Muslim ay palaging nangangailangan sa kanyang Panginoon, palaging humihingi ng panalangin, at lumalapit sa kanya sa paggawa ng mabubuting pagsamba.
Nilikha tayo ng Allah sa mundong ito na may dakilang karunungan, at hindi Niya tayo nilikha nang walang kabuluhan; at ito ay ang sambahin lamang Siya nang nag-iisa at bukod tangi at walang halong pagtatambal. Isinabatas Niya ang isang komprehensibong banal na relihiyon na namamahala sa lahat ng ating pribado at pampublikong gawain sa buhay, at sa makatarungang batas na ito ay napapanatili ang mga pangangailangan ng buhay. Ito ay ang ating relihiyon, ating sarili, ating karangalan, ating isipan, at ating kayamanan. Sinuman ang namuhay alinsunod sa batas ng Sharia at iniwasan ang mga ipinagbabawal na bagay, tiyak na kanyang napangalagaan ang mga panganagilanagan na ito; sya ay mamumuhay nang masaya at payapa sa kanyang buhay nang walang duda.
Ang ugnayan ng Muslim sa kanyang Panginoon ay napakalalim, dahilan upang magkaroon ng kapanatagan at kaginhawaan ng sarili, pakiramdam na pagiging mahinahon, katiwasayan at kasiyahan, at pakiramdam na kasama ang Panginoon sa Kanyang pangangalaga sa Kanyang tapat na mga alipin na mananampalataya. Sinabi ng Allah: “Ang Allah ay Wali [tagapangalaga] ng yaong mga naniniwala. Sila ay Kanyang hinahango mula sa mga kadiliman tungo sa liwanag.” (Qur’an 2:257)
Ang mahusay na ugnayan na ito ay isang pang-sentimental na estado na humahantong sa pagtamasa ng pagsamba sa Pinakamaawain, ang pananabik na makita Siya sa kabilang buhay, at para bagang nakataas ang kanyang puso sa kalangitan dahil sa kaligayahan sa pamamagitan ng pakiramdam ng tamis ng pananampalataya.
Ang tamis na iyon, na mailalarawan lamang ng taong nakatikim nito sa pamamagitan ng pagsunod at pag-iwas sa kasamaan, kaya’t sinabi ng Propeta Mohammad ﷺ: “Tunay na matitikman ang tamis ng pananampalataya ng sinumang nalugod sa Allah bilang kanyang Panginoon, ang Islam bilang kanyang relihiyon, at si Muhammad bilang kanyang sugo.”
Oo, kung ang isang tao ay laging nararamdaman ang pag-iral ng kanyang Panginoon, nakilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang mabubuting pangalan at katangian, sinamba Siya na para bang nakikita Siya at naging dalisay sa kanyang pagsamba sa Allah, at walang ibang hinangad kundi ang lugod ng Allah, tiyak na siya ay mamumuhay nang mabuti at masayang buhay sa mundong ito at mayroong mabuting kalalabasan sa hinaharap.
Kahit na ang mga pagsubok at sakuna na sinapit ng isang mananampalataya sa mundong ito, ang init nito ay maaalis ng lamig ng katiyakan, nalulugod sya sa kapalaran at tadhana ng Allah, at pinuri at pinasalamatan ang Allah sa lahat ng mga tadhana sa kanya, mabuti man o masama. Kabilang sa mga bagay na dapat maging masigasig ang isang Muslim upang madagdagan ang kanyang kaligayahan at kapanatagan ng sarili, ay ang madalas na pag-alaala sa Allah at pagbabasa sa banal na Qur’an, katulad ng sinabi ng Allah: “Yaong mga naniwala at panatag ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pag-alaala sa Allah, walang alinlangan, matatagpuan sa pag-alaala sa Allah ang kapanatagan ng mga puso.” (Qur’an 13:28)
Kaya’t sa tuwing pinaparami ng isang muslim ang pag-alaala sa Allah at pagbabasa ng banal na Qur’an ay lalong tumitibay ang koneskyon niya sa Allah, at nagiging dalisay ang kanyang sarili at lumalakas ang kanyang pananampalataya.
Gayundin, dapat magsikap ang isang Muslim na alamin ang mga bagay ng kanyang relihiyon mula sa tamang mga mapagkukunan, upang sumamba sa Allah na may sapat na kaalaman at kaunawaan, tunay na sinabi ng Propeta ﷺ: “Ang pagsasaliksik ng kaalaman ay obligado sa bawat muslim.” Marapat lamang sa isang Muslim na tumalima at sumunod sa kautusan ng Allah na lumikha sa kanya, napag-alaman man ang karunungan nito o hindi, sinabi ng Allah sa maluwalhating Qur’an: “At hindi marapat sa sinumang mananampalataya, lalaki man o babae, na kapag nagpasiya ang Allâh at ang Kanyang sugo para sa kanila ng isang kapasiyahan bilang batas ay lalabag sila, na pipiliin nila ang anumang hindi pinagpasiyahan para sa kanila. At ang sinumang lalabag sa Allâh at sa Kanyang sugo, ay walang pag-aalinlangang lumayo sa tamang landas nang malinaw na pagkakalayo.” (Qur’ān 33:36)
‘’Ang mga pagpapala at kapayapaan ng Allah ay mapasa-kay Muhammad, sa kanyang pamilya at sa lahat ng kanyang kasamahan.‘’